Dula sa Likod ng Lente ng Buhay
I
Walang anu-ano’y nagising sa mahimbing na tulog
Malambing na awit sa tainga’y umalungog
Hindi namalayang luha’y naglakbay sa kanang pisngi
Ngunit kasabay nito’y pagkahulog ng isipan sa dilidili.
II
Nananalaytay sa aking linagnag ang simpleng pagkatao
Walang nakababatid sa akin sa likod ng mga rolyo
Napakaswerte ko raw, iyan ang akala nila
Hindi nila talos, pagkatao ko’y pinanday na ng tadhana.
III
Namulat sa mundong ito na may piring ang mata
Kahirapa’y hindi nakikita ngunit damang dama
Ni hindi makausal ngdalangin dahil sa busal sa bibig
Mgakahilinga’y naipon sa sintido, ngunit nagkaroon din ng himig.
IV
Dinusta ng madla ang aking kakayahan sa kabila ng pagpupursige
Dahilan nila’y aking kapansanan, dapat daw akong mag-atubili
Dapat pa ba akong magpatuloy sa mga abentura ng buhay
O bumitaw na lang sa mga pangarap na sa aki’y gabay?
V
Talas ng kanilang dila’y ikinintal sa aking isipan
Mga panghahamak ay ibinato, ako’y lalong naguluhan
Nabahag ang buntot, sa masikip na lungga’y nagkubli
Ramdam ko ang pait ng buhay, nabulid ako sa pusali.
VI
Sa anino ng kadiliman, ni kahit ano’y walang maapuhap
Mata’y walang maaninag, kalagayan ko’y sadyang masaklap
Puso’y nabalot ng oskuridad dulot ng isang eklipse
Hindi ko tanto kung ito ba’y panandalian lamang o permanente.
VII
Puso ko’y tumatangis sa pagguho ng aking hangarin
Ramdam ang pagdaloy ng mainit na likido mula sa patay na paningin.
Sa aking paghikbi, pagdaka’y nawalan ng ulirat
‘Di alam kung kalian magigising ang damdaming nawasak.
VIII
Ngunit sa malalim na pagtulog, animo’y may tumatawag
Sa sentro ng aking pagkatao, pumailanlang ang tinig ng liwanag
Luha’y nagging tubig; napawi ang uhaw kong puso
Dumaloy sa mga ugat; aking sistema’y binuyo!
IX
Nagbalik ako sa kamalayan, nabigyan ng panibagong buhay
Sa pagdilat ng mga talukap, ngiting matamis ang kasabay!
Napangko ang tingin sa taas, pasasalamat ay sinambit
Katanghalian ng buhay sa akin ay hindi ipinagkait.
X
Ako may hindi nabiyayaan, walang kakayahan para makakita
Sa tinutuntungan ko ngayon, ako’y sadyang pinagpala
Ngumiti ng ubod sigla ang araw para sa akin
Sinenyasan ako, hudyat na para ang mundo’y gahisin!
XI
Sa pagtahak sa bagnos ng pagbangon, tainga’y nakatiklop
Yabag ng paa sa bawat hakba’y iniiwan para hindi makalimot
Nanghahamak na tawa ng masa’y hindi ko na naulinigan
Sa wakas, mga estrelya sa aking mundo’y sabay-sabay nagkislapan!
XII
Heto ako ngayon, nakahiga sa kama ng kasalukuyan
Pinapakinggan ang kantang isinulat buhat sa nakaraan
Kantang ngayo’y naririnig, turing ng lahat ay obra-maestra
Isang masterpis mula sa isang mang-aawit na may diperensiya.
XIII
Iyan ang kuwento ng nagging buhay ko dito sa mundong ibabaw
Hindi ako nagluksa sa nakaraan bagkus ako’y sumigaw
Nanalig ako sa kinabukasan, nagtiwala sa Poong Maykapal
Pangala’y magmamarka---TAGUMPAY pala ang aking ngalan!
Comments
Post a Comment