Hope No More
I
Hindi na sisikat ang araw sa aking mundong madilim
Hindi na titibok ang pusong namamahinga sa lilim
Hindi na mang-iinit at manlalabo ang matang tuyo
Hindi na dadaluyan ng emosyon ang aking pagkatao.
II
Hini na masaya ang puso sa mga pinapadalang letra
Hindi na kumikislap ang mata tuwing nakikita kita
Hindi na, wala na iyong galak kapag kasama ka
Hindi na, wala ng pulang araw simula noong nagbago ka.
III
Hindi na ngumingiti sa tuwing ika’y nakangiti
Hindi na nananalamin sa iyong mata kahit ika’y nakatingin
Hindi na umaasang mahahanap mo ang daan pabalik sa akin
Hindi na maghihintay gayong nagawa mo akong iwan at lisanin.
IV
Hindi na magsasakripisyo; para saan ba, para ano pa
Hindi na hahawak ng mahigpit dahil bumitaw ka ng kusa
Hindi na pipiliting alalahanin pa ang nakaraan
Hindi na gayong kay dali mong sambitin ang salitang paalam.
V
Hindi na iiyak, hindi na aasa, hindi na magmamakaawa
Hindi na ngayong alam kong waka ring mapapala
Hindi na hihiling na ako’y h’wag sanang limutin
Hindi na panghahawakan mga pangakong kay daling baliin.
VI
Hindi na ako ngingiti pabalik, hindi na rin titingin
Hindi na gayong ang puso mo’y sa iba na nakabaling
Hindi na rin nakalaan sa akin, oras mo’t atensyon
Hindi na mamamalimos gayong sa iba ka na nakatuon.
VII
Hindi na ididilat ang aking matang sa iyo’y nagsusumamo
Hindi na patitibukin ang makulit kong puso
Hindi na baka ako’y bumalik ulit sa pagiging tanga
Hindi na, hinding hindi na…sana nga hindi na.
Comments
Post a Comment