"Titser, Guro Ka?"
Hindi uniporme ang ginagamit para mangalap ng respeto
Hindi sukatan ng kasipagan mga dala – dalang libro
Hindi basehan ang posisyon kung gaano sila karunong
At hindi itong propesyon ang magsisiwalat kung sino ang guro, sino ang ulupong.
Naghuhulagpos sa baul dalawang mukha nitong propesyon
Sa isa ako’y saludo; ang isa nama’y kinukwestiyon
Ang isa’y tadhana ng kabataan ang masugid na hinuhubog
Samantalang, itong isa’y utak at diwa ang binubugbog.
Dedikasyon, determinasyon ang baun – baon nitong una
Pinupunan ng buong diwa mga walang muwang na parirala
Winawasak ang tanikala’t pinuputol kuko’t ngipin ng kamangmangan
Putik sa mga damong ligaw inaalis na parang ulan.
Ang kabila nama’y patay – malisya sa mga ‘di paborito
‘Pag kilala, halata ang amor sa lumilipad na grado
Tatambakan ng gawaing ‘di konektado’t pagkakaperahan pa
‘Di nagtuturo ng maayos kaya estudyante’y hubad ang unawa.
Iba ang titser sa pangalan sa titser sa puso’t gawa
Haplos ng gurong nasa harap lang sa gurong nasa iyong tabi ay iba
Iba ang impluwensya ng gurong puso’t buhay mo’y nakiliti
At dulot ng maling trato sa mga mag – aaral ay buhay na nakangiwi.
Hindi tisa’t pisara ang magbubunyag ng kanilang tunay na mukha
Hindi uniporme’t dunong ang magpapakita kung sino sila
Hindi libro’t tinta ng bolpen ang magtatakda kung anong sa kanila’y dapat na tingin
At hindi nasusukat ang pagiging guro sa titulo kundi sa puso, gawa’t damdamin.
Good job. You're an inspirational teacher
ReplyDelete