Diploma ng Tagumpay
I
Kwadernong noo’y sagana, naubusan na nang pahina
Librong dati’y binubuklat, oras na para isara
Ngunit huwag mangamba, may plano ang tadhana.
II
Apat na taon ang binuno maabot lamang ang pithaya
Talukap ng mata’y mulat sa sinuong na abentura
Araw-gabi, nagsunog ng kilay para sa isang sertipiko
Dugo’t pawis ang ibinurda sa pangarap na dati’y retaso.
III
Bunga ng pag-aaral sa kasalukuya’y dama na nang palad
Susi sa nakapinid na pintong may bagong karanasang ilalahad
Sa bagong bagnos na tatahakin, payo ng guro’y babaunin
Magsisilbing sandata sa pagbayo ng bagtas na lalandasin.
IV
Naubos man ang tinta, sa mga pahina’y wala man lang natira
Hinding hindi manghihinayang sa bagong kanabatang nakatha
Lisanin ko man ang mga sulok ng institusyong humubog sa akin
Katuruan at karanasan ditto sa pamuhatan sa isipa’y ‘di aalisin.
V
Walang katumbas itong emosyong sumisigaw sa ‘king puso
Sa togang suot, ako’y taas noong sumasaludo
Sa mga taong nasa likod ng aking tagumpay---“Maraming salamat!”
Comments
Post a Comment