Wikang Filipino'y Pangbalana: Susi Para Ika'y Lumaya (My Winning Piece)

Habang ang mundo'y patuloy sa pag-inog sa kalawakan,
Habang ang madla'y abala sa pag-ukit ng kasaysayan,
Habang nakikipaglaro ang mga ibon sa hangin sa himpapawid,
Sa isang sulok ako'y nangungulila sa ilaw at bagnos na tuwid.


Tanging luha't panangis ang mababanaag sa aking mukha
Walang maulinigang tinig 'pagkat may busal aking bunganga
Wikang Filipino'y ipinagdamot; sa aki'y ipinagkait
Ng mga mapagsamantalang estrangherong mayamo at malupit.


Sadlak sa kumunoy ng pangamba at pusali ng kawalan
Pinaglaruan na parang papet, itinuring na tau-tauhan
Ngunit ng bitiwan ng kanilang bibig ang salitang indiyo
Isang masidhing damdamin ang nag-udyok para ako'y tumayo.


Marubdob na hinanakit sa aking puso ay umapaw
Kalapastanganan nila sa aking sintido'y umalingawngaw
Lahat ng ito'y nagsilbing boses para ako'y sumigaw
Sa wakas, ang wikang pinakamamahal ko ay abot-tanaw!


Wikang Filipino ang nagsilbing susi ko sa pagwasak ng tanikala
Sa gitna ng ligamgam, isa itong nagniningning na estrelya
Nagsilbing pag-asa sa dilim, tanglaw sa matuwid na landas
Sa pagbaybay ng tiyak na daan ito ang naging lakas.


Hindi ko kinailangan ng dahas para ako'y lumaya
Dahil sa kaibuturan ng pagkatao ko, ako'y may wika
Sa pagtahak ng madilim na landas, itinuring ko itong liwanag
Sa binagtas kong daan, Wikang Filipino lang aking naaninag.

Comments

Popular posts from this blog

Dula sa Likod ng Lente ng Buhay

Sing The Tune Of PEACE, Feel The Power Of HARMONY

How to unlove. . .